KORONADAL CITY – Nakubkob ng militar ang pinakamalaking kuta ng rebeldeng NPA sa boundary ng Sultan Kudarat at Maguindanao area kasabay ng pagkamatay ng 6 na kasapi nito kabilang ang isang high ranking official.
Ito ay inihayag ni Lt. Col. Anhouvic Atillano, tagapagsalita ng 6th Infantry Divison, Philippine Army sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Atillano, patuloy pa nilang inaalam ang pagkakakilanlan ng anim na mga kasapi ng NPA na napatay sa artillery attack ng mga sundalo.
Batay sa ulat, nagpupulong ang nasa mahigit 100 rebelde sa kampo ng Far South Mindanao Region sa bulubunduking bahagi ng Bagumbayan, Sultan Kudarat at boundary ng lalawigan ng Maguindanao nang mangyari ang pagsalakay ng militar.
Plano sana umanong magsagawa ng karahasan ang nasabing grup ngayong araw kasabay ng ika-52 taong anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Ayon kay Atillano, narekober sa kampo ng mga rebelde ang mga baril at mga back pack na naglalaman ng mga subersibong dokumento.
Dahil sa nangyari, sumuko naman sa mga otoridad ang ilang kasamahan ng mga ito.
Sa ngayon nasa mahigit 200 rebelde na ang sumuko dala ang kani-kanilang matataas na kalibre ng baril sa Sultan Kudarat.