-- Advertisements --

Maaaring makaranas ang Pilipinas ng malaking outbreak ng dengue ngayong taon ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa.

Ito ay sa gitna ng patuloy na pagsipa ng mga kaso ng dinadapuan ng dengue sa 78% kumpara noong nakalipas na taon.

Sa datos ng ahensiya, nakapagtala na ang bansa ng 76,425 na kaso ng dengue mula Enero 1 hanggang Marso 15 ng kasalukuyang taon, mas mataas ito kumpara sa 42,822 cases na naitala sa parehong panahon noong 2024.

Ipinaliwanag ng kalihim na sa bawat tatlo hanggang limang taon nagkakaroon ng outbreak ng dengue kung saan pinakahuli ay noong 2019. Ngayong 2025, posibleng maitala aniya ang malaking outbreak.

Sa ngayon, ang mga rehiyong may pinakamataas na kaso ng dengue ay sa CALABARZON na nasa 15,108 cases, sumunod ang National Capital region (13,761 cases) at Central Luzon (12,424 cases).

Sa kabila nito, nananatili namang mababa ang bilang ng nasasawi mula sa naturang sakit na nasa 0.41%.

Bilang tugon, nauna ng naglunsad ang DOH ng nationwide campaign noong Pebrero para malabanan at makontrol ang paglaganap ng sakit sa bansa.

Patuloy din ang paalala ng DOH sa publiko na linisin ang mga lugar na maaaring pamugaran ng mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue.