-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Malalaking halaga ng perang na-invest ng ilang nabikitma ng KAPA community ministry International Inc. ay hindi na mababawi kung ibinigay bilang isang donasyon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay CPA Lawyer Randy Areola sinabi niya na ang isang investment na ibinigay bilang isang donasyon ay may malaking tyansa na hindi na maaari pang habulin ng donor ang nasabing halaga na ibinigay nito sa kanyang donee.

Hindi rin umano maaaring kasuhan ng estafa ang sinumang nangkumbinsi sa isang tao na magdonate o mag-invest sa isang negosyo dahil maaaring lumabas lamang na pareho lamang silang biktima.

Dagdag pa ni Atty. Areola na ang mga biktima ng investment scam ay maaaring dumulog sa mga ahensiya ng pamahalaan tulad na lamang ng National Bureau Of Investigation (NBI) at Department of Justice (DOJ) upang magkaroon ng kapangyarihan ang pamahalaan na salakayin ang negosyo at ideklarang iligal.

Ayon pa kay Atty. Areola na wala pang napapatunayan na nag kakaroon ng return of investment na 30% hanggang 50% tulad ng ipinangako ng KAPA sa mga miyembro nito.

Nagbabalala rin ito sa publiko na kung ang return of investment ng isang negosyo ay masyadong malaki o umaabot ng 30% o higit pa ay nararapat ng magduda ang mga magnanais na pumasok sa nasabing negosyo.