Tiniyak ni Senate Committee on Basic Education Chairperson Sherwin Gatchalian na mayroong inilaaan na P210 milyon sa ilalim ng 2024 national budget para sa pagpapatupad ng mga programa at adbokasiya sa mental health ng Department of Education (DepEd).
Magugunitang unang nagpanukala si Gatchalian ng P160 milyon para sa pagpapatupad ng mga programa sa mental health.
Batay kasi sa datos ng DepEd, 1,686 na mga mag-aaral ang nagpakamatay sa pagitan ng School Year (SY) 2017-2018 and SY 2022-2023, habang 7,892 naman ang nagtangkang magpakamatay.
Ayon pa kay Gatchalian, mahalaga na matutukan ang pagpapatibay at epektibong pagpapatupad ng mga programa ng ating mga paaralan para sa mental health.
Pinapakita sa mga international large-scale assessments ang mataas na bilang ng mga insidente ng bullying sa mga paaralan sa bansa.
Batay sa pagsusuri ng tanggapan ng Senador sa datos ng 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), lumalabas na mas maraming mga mag-aaral sa bansa ang nakakaranas ng pambu-bully, aggression, karahasan, at offensive behavior kung ihahambing sa ibang mga mag-aaral sa Timog-Silangang Asya.
Kaya naman isinusulong ni Gatchalian ang pagsasabatas ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200) upang gawing institutionalized ang School-Based Mental Health Program.
Inaprubahan na sa huli at ikatlong pagbasa sa Senado ang naturang panukala noong nakaraang Setyembre.