LAOAG CITY – Iniimbestigahan pa rin ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa lungsod ng Laoag ang pagkasunog ng isang malaking shopping mall.
Base sa inisyal na impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Laoag, nagsimula ang sunog sa bodega ng establisyemento na nasa ikatlong palapag.
Naging pahirapan umano ang pagpatay sa sunog at hindi agad nakapasok ang mga bombero dahil delikado at makapal ang usok.
Agad namang nagresponde ang BFP-Laoag ngunit dahil lumalala ang sitwasyon ay tumulong na rin ang iba pang fire truck mula sa iba pang bayan at lungsod.
Gayunpaman, nabatid na kahit marami na ang fire truck ay nawalan naman ng tubig ang ilan sa mga ito kung kaya’t rumesponde na rin ang Ilocos Norte Water District (INWD).
Kabilang pa sa mga nagamit na equipment ay ang boom truck ng DPWH dahil hindi makapasok ang mga bombero kahit sinira pa nila ang mga bintana ng establisyemento.
Samantala, inabisuhan na rin ng lokal na pamahalaan ang katabing establisyemento na lumikas at agad namang gumalaw ag mga ito kung saan inilabas rin nila ang kanilang mga paninda.
Tiniyak naman ang tulong sa mga empleyado ng shopping mall lalo’t nasa gitna ng pandemya dahilan pa rin sa COVID-19.
Sa ngayon ay hindi pa matukoy ang dahilan ng sunog at kung magkano ang danyos o halaga ng mga nasira.