LEGAZPI CITY – Malalaking bato ang dumausdos sa tabi ng kalsada sa border ng Brgy. Marinawa, Bato, Catanduanes bunsod ng pag-ulan na hatid ng Bagyong Dante.
Ilan sa mga ito ay kasinlaki pa ng tao.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bato MDRRMO head Donabelle Tejada, hindi pa rin geologically stable ang lugar dahil sa nagpapatuloy na road widening project sa Marinawa, Bato hanggang San Vicente, Gigmoto.
Binabawasan ang libis ng bundok na dahilan upang maging loose ang lupa at magdulot ng landslide kasama na ang malalaking bato kapag umuulan.
Samantala, mabilis namang umaksyon ang contractor ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaya’t passable na ulit ang daan.
Sa Esperanza, Masbate, bumagsak ang ilang bahagi ng kisame sa school building ng Santos Conag National High School dahil sa hangin habang natanggal ang ilang bintana kaya’t pumasok ang ulan at nabasa ang mga gamit.
Sa Albay, iniulat ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) volcanologist Paul Alanis na umabot lamang sa halos 15mm ang rainfall amount kaya’t hindi nakapag-detect ng lahar signals.
Subalit nilinaw nito na nananatiling epektibo ang lahar advisory dahil inaasahan pa rin ang mga pag-ulan dulot ng bagyo sa mga susunod na araw.