KALIBO, Aklan – Ipagpapatuloy mamayang hapon ng Senado ang pagdinig sa isyu ng “pastillas operation” sa Bureau of Immigration.
Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Senador Risa Hontiveros na ihaharap niya sa imbestigasyon ang kanyang whistleblower para patotohanan ang modus ng ilang taga-BI na nakipagsabwatan sa Ninoy Aquino International Airport sa isyu ng “escort with a fee” sa mga Chinese na Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) workers.
Ang mga ito ay binibigyan umano ng VIP treatment kapalit ng malaking halaga ng pera.
Ayon pa kay Hontiveros, nagbabayad ng P10,000 ang bawat Chinese tourist na dumarating sa bansa na ang layunin ay magtatrabaho pala sa POGO kahit walang permit.
Giit pa nito na barya lang ang napupunta sa ilang Immigration officers at mid-level employee sa paliparan dahilan kaya kailangang mahuli ang mga malalaking isda.
Dagdag pa nito, tinatayang nasa P10 bilyong ang nakolektang suhol ng nasa likod nito.
Malaki rin ang kanyang paniniwala na may iba pang tagalabas ng ahensiya ang nakikinabang sa malaking suhol.
Ilan pa sa kanilang iimbestigahan ang umano’y protector ng daan-daang mga iligal na POGO operations sa bansa na nagdadala rin ng krimen kagaya ng prostitusyon, human trafficking at iba pa.