-- Advertisements --
Bureau of Immigration

Kasunod na rin nang pagkakaaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang law firm employee sa loob mismo ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa umanoy pag-facilitate nito sa mga entry visas ng mga Chinese na nasa China pa ay ipinag-utos na ng Immigration bureau na magsagawa ng mas malalimang imbestigasyon sa naturang insidente.

Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na agad na itong nagbigay ng direktiba para sa pagbuo ng isang fact-finding investigation na mag-iimbestiga sa empleyado ng isang law firm.

Kinilala ang suspek na si Vivan Lara, na naaresto mismo sa main office ng BI dahil umano sa pangingikil nito sa tatlong Chinese nationals.

Lumalabas na empleyado si Lara ng law firm na accredited para makipagtransaksiyon sa BI.

Pero ang kanyang personal accreditation ay paso na noon pa raw buwan ng Enero at hindi na ito pinayagang magkaroon ng transaksiyon sa BI.

Base sa mga lumabas na report, naaresto si Lara matapos nitong tanggapin ang P900,000 marked money para iproseso ang pasaporte at visas ng mga Chinese nationals. 

Sinabi ni Morente na hindi raw nila kukunsintihin ang mga fixers sa kanilang bakuran.

 “We do not tolerate fixers within our premises. This person was even brazen enough to do her activities inside a BI office,” ani Morente.

Sa katunayan, suspendido rin daw ang accreditation ng Calalang Law Office na employer ni Lara habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pangingikil ng suspek.

Maliban dito, iniimbestigahan din daw ng BI ang breach of security protocols sa loob ng BI building dahil nakapasok pa rin ang suspek kahit isang buwan nang expired ang kanyang ID.

“We are also investigating the breach of security protocols inside the BI building, as she was able to enter despite her ID expiring last month, as well as use an office for her transaction. We had our men scan CCTV footage to look into possible accomplices of Lara, as well as ensure that the BI grounds are rid of fixers,” dagdag ni Morente. 

Ipinag-utos din ni Morente na imbestigahan ang tatlong Chinese nationals na sangkot sa fixing incident bago sila pabalikin sa kanilang bansa.

Patuloy umano ang pakikipag-ugnayan ng BI sa NBI para alamin kung mayroon ding kasabwat ang suspek sa loob ng bureau at para mapalakas pa ang kanilang kampanya laban sa illegal fixers na nambibiktima sa mga banyaga.

 “We are coordinating with the NBI in this investigation to see if there are any cohorts inside the Bureau, and to strengthen protocols to prevent illegal fixers from extorting aliens,” pagtatapos ni Morente.