CATABATO CITY – Hustisya ang sigaw ng mga kaanak ng isang babae matapos itong brutal na paslangin ng kaniyang nobyo gamit ang basag na bote sa loob ng isang lodging house sa bayan ng Parang, Maguindanao del Norte.
Ayon sa imbestigasyon ng Parang PNP, ang suspek ay tinatayang may edad 21 hanggang 28, may taas na 5’5″, payat, at nakasuot ng puting t-shirt at itim na short.
Batay sa paunang ulat, nag-iinuman sa kanilang inupahang kwarto ang biktima at ang nobyo nito bago naganap ang insidente. Kalaunan, nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo ang dalawa na nauwi sa pagbabasag ng bote, na narinig pa ng nasa reception area ng lodging house.
Isang empleyado ng lodging house ang nakakita sa duguang suspek na mabilis na lumabas ng establisyemento ngunit hindi ito pinansin. Ilang sandali pa, nakaamoy ng dugo ang mga empleyado kaya’t kanila nang sinuri ang kwarto. Dito tumambad sa kanila ang bangkay ng babae na tadtad ng saksak mula sa basag na bote at nakabulaslas ang bituka nito.
Ayon sa pulisya, hinihinalang motibo sa krimen ang pakikipaghiwalay ng biktima sa kanyang nobyo.
Dagdag pa rito, natuklasan ng mga kaanak ng biktima na walang logbook at sira ang CCTV ng lodging house nang maganap ang insidente, ayon sa panayam ng Star FM Cotabato.
Sa ngayon, patuloy ang hot pursuit operations ng Parang PNP katuwang ang 1041st Regional Mobile Force Battalion upang matunton at mapanagot ang tumakas na suspek.