VIGAN CITY – Ipinag-utos umano kaagad ng alkalde ng Maui, Hawaii na si Mayor Michael Victorino ang malalimang imbestigasyon sa nangyaring 3,000 acre brush fire kahapon ng umaga.
Sa nasabing brush fire, libo-libong mga residente mula sa Maalea at Kihei sa Maui Island, Hawaii ang lumikas dahil hindi kaagad naapula ng mga otoridad ang apoy na kumalat sa malawak na bakanteng lupain dahil sa kapal ng usok.
Sa report sa Bombo Radyo Vigan ni Bombo International News Correspondent Rey Patao na tubong Bantay, Ilocos Sur na matagal nang nasa Maui, sinabi nito na ksabay ng pagdedeklara ni Victorino ng state of emergency sa kanilang lugar ay ipinag-utos din nito ang agarang imbestigasyon sa pangyayari upang malaman kung saan nanggaling ang apoy na kumalat at kung sino ang dapat na panagutin dito.
Ayon pay Patao, ang nasabing lugar kung saan nangyari ang brush fire ay dating taniman ng tubo ngunit napabayaan na kaya marami nang tumubong mga damo at halaman na kung minsan ay doon din sinusunog ng ilang mga residente ang mga sirang gamit nila.
Maliban sa mga residente ng dalawang komunidad sa Maui na apektado, naapektuhan din umano ang maraming mga negosyo, mga flights sa Kahului airport, pati na mga by-pass road at main highways, kasama na rin ang ilang animal shelters na malapit sa lugar.
Masuwerte naman umanong walang naipaulat na nasugatan o hindi kaya naman ay nasaktan dahil sa nasabing pangyayari.