CEBU – Hustisya ang sigaw ng ina ng isang 15 taong gulang na dalaga matapos na natagpuang patay at wala ng damit ang anak nito sa damuhan ng Purok Magenta, Barangay Gairan, lungsod ng Bogo, probinsiya ng Cebu.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Mavelle Sinadjan, maiyak-iyak itong nanawagan sa pulisya ng madaliang pagresolba sa pagkamatay ng kanyang anak at agad na mahuli ang suspek na gumawa sa karumal-dumal na krimen.
Aniya, maraming pangarap na gustong abutin ang kanyang anak, pala-kaibigan, mabait at ‘talented’, kaya hindi nito akalaing ganito na lang ang sasapitin ng dalaga.
Kaugnay nito, nagbigay na rin ng direktiba si Police Regional Office 7 Chief, Police Brigadier General Roderick Augustus Alba, lalong-lalo na sa Bogo City PNP ng agarang pagresolba sa nasabing krimen at hulihin ang may sala na siyang pumatay sa nasabing Grade 10 student.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya kasama ang PNP SOCO kung saan tinitingnan ang anggulo ng panggagahasa.
Una nito, isang ginang na nagpapakain ng kanyang kambing noong Nobyembre 13 ng hapon sa damuhan ang nabigla nang nakita ang biktima na hubo’t hubad at wala ng buhay kaya agad itong humingi ng tulong sa pulisya.
Nabatid na noong Nobyembre 12 nitong taon, araw na Sabado, kasama ng biktima ang kanyang nobya sa isang birthday party ngunit sa Nobyembre 13 ng madaling araw nang umuwi na ang dalawa, diumano’y hindi na nakarating sa kanilang bahay ang biktima at posibling doon na nangyari ang krimen.