CAGAYAN DE ORO CITY – Muling tiniyak ni Senate Committee on Health chairman at Sen. Christopher “Bong” Go na prayoridad niya ang pagtalakay ng Malasakit Center Act sa Senado.
Ginawa ng senador ang pahayag sa kanyang pagdalo sa pagbukas ng malasakit center sa JR Borja City Hospital sa Cagayan de Oro.
Sinabi ni Go sa Bombo Radyo, nararapat na mapabilis ang pagsabatas ng House Bill 1140 dahil malaki ang maitulong nito sa mga mahihirap na walang pambayad sa ospital sa oras ng emergency.
Iginiit nito na kapag maisabatas na ang Malasakit Center Act, hindi na mahihirapan ang mga taong maospital dahil iisang ahensiya na lamang ang kanilang lapitan na siyang mag-aasikaso sa kanilang bayarin sa ospital.
Napag-alaman na una nang nakalusot sa committee level ng Kamara ang Malasakit Center Act at nakapasa na rin ito sa unang pagdinig ng Senado.