CAGAYAN DE ORO CITY – Naka-isolate na ang nasa 16 miyembro ng pamilya ng isang lalaking pasyente na pumanaw dahil sa kumplikasyon sa coronavirus disease (COVID-19) sa Cagayan de Oro City.
Bago ito, kinumpirma mismo ni City Mayor Oscar Moreno batay sa ibinigay na briefing sa kanya mula sa Department of Health (DOH) at Northern Mindanao Medical Center (NMMC) ukol sa resulta ng throat swab sampling ng 69-anyos na pasyente na residente sa Sitio Pinikitan, Barangay Camaman-an.
Inihayag ni Moreno na maliban sa mga miyembro ng pamilya na naka-house sa government facility ng siyudad ay pinaghahanap rin ng health workers ang ibang mga tao na nakasalamuha ng biktima alinsunod sa malawakang contact tracing order nito.
Kung maalala, isa ring pasyenteng nagmula sa Marawi City na naka-confine sa pribadong ospital na malapit sa tinirahan ng biktima ay nagpositibo sa COVID-19, dahilan kaya inilipat ito sa NMMC noong nakaraang linggo.
Wala namang travel history ang namatay na unang itinuring na Severe Acuted Respitory Illness (SARI) patient sa lungsod.