-- Advertisements --

Ilulunsad ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang malawakang crackdown laban sa mga pekeng person with disability (PWD) identification cards (ID).

Ito ay matapos matukoy ng ahensiya ang labis na pag-abuso dito at ginamit bilang panibagong scheme ng tax evasion.

Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., inutusan na niya ang lahat ng mga internal revenue officials na makipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan para mapigilan ang paglaganap at paggamit ng mag pekeng PWD ID.

Batay sa datus noong 2023, umabot sa P88.2 billion ang umano’y nawalang kita ng bansa dahil sa paggamit ng mga pekeng ID.

Sa ilalim ng batas ay mayroong 20% na discount at exemption sa value-added tax (VAT) sa ilang mga produkto at serbisyo ang mga PWD bilang karagdagang benepisyo.

Gayunpaman, sinabi ni Lumagui na may mga indibidwal nang umaabuso dito sa pamamagitan ng paggawa ng mga pekeng PWD ID, ginagamit ang mga ito at ang iba ay ibinebenta sa sinumang nagnanais makapag-avail sa PWD benefits

Ang mga naturang ID aniya ay hindi na lamang ibinebenta sa mga lansangan kungdi maging sa mga online marketplace, daan upang lalong maging accessible para sa sinumang nagnanais makabili.

Babala ng commissioner, ang paggamit ng pekeng PWD ID ay isang uri ng tax evasion, bagay na iimbestigahan din ng BIR. Magsasagawa rin aniya ang BIR ng audit sa mga establishimiyento upang i-verify kung tunay ang mga PWD ID na kanilang ikinunsidera na siya namang isinusumte sa internal revenue body.