CAUAYAN CITY – Sang-ayon si Cagayan Governor Manuel Mamba sa plano ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela na magsagawa ng dredging sa mga ilog at sapa para maiwasan ang pagbaha.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Governor Mamba na maganda ang plano ni Governor Rodito Albano lalo na at matindi na ang nararanasang pagbaha tuwing panahon ng tag-ulan.
Ayon sa gobernador, katunayan ay mayroon na silang inter-agency council para rito at hinihintay na lamang nila ang signing sa Memorandum of Agreement (MOA) at dredging permit mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Umaasa naman siya na makita ito agad ng national government para sila ay matulungan.
Sinabi pa niya na magandang gawin ito sa lalawigan dahil mawawalan din ng silbi ang isasagawang dredging sa Isabela kung hindi ito gawin sa Cagayan.
Gayunman ay hindi aniya puwedeng dredging lamang ang gawin dahil kailangan ding pagtuunan ng pansin ang mga kagubatan na nakakalbo na dahil malaking tulong ang mga ito para sana mapigilan ang pagbaha.
Sa ngayon, kailangan ng holistic approach para magawan ng solusyon ang mga nararanasang pagbaha at dapat magtulungan ang mga lalawigan sa rehiyon maging sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Ayon sa opisyal, kung hindi magtulungan ang lahat ay maaaring mangyari ang kinakatakutan nila na mawawala ang Cagayan sa mapa ng Pilipinas.