-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Muling magtitipon-tipon ang daan-daang mga overseas Filipino’s sa Milan, Italy sa araw ng linggo, March 30, 2025 upang ipagdiinan ang karapatan na maibalik sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakapiit sa detention facility ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Sa panayam kay Bombo International News Correspondent Armie Delos Santos, hindi aniya sila magsasawa na magsagawa ng mga gatherings habang nananatili sa banyagang bansa ang dating lider ng bansa upang ipakita ang kanilang pagmamahal at suporta sa kapwa Pinoy na nahaharap sa malaking hamon sa buhay.

Aniya, hindi nila kinukwestyon kung anuman ang kinakaharap nitong kaso ngunit dapat sa hukuman ng Pilipinas siya ilitis at hindi sa ibang bansa dahil sa may sariling korte ang bansa na siyang may hurisdiksyon sa mga kasong inihabla sa dating presidente.

Ang muling pagsama-sama ng mga overseas Filipino’s ay kasunod sa matagumpay na pagtipon-tipon ng mga ito kamakailan lamang malapit sa ICC building sa The Hague na dinaluhan ng mahigit sa 5,000 Filipino’s mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Iisa ang panawagan ng mga ito na ibalik sa bansa si Duterte dahil sa nahahabag aniya sila sa kaniyang kalagayan at maging ang mga Dutch ay nakikisama sa kanila at kilala na ang former President.

Samantala, may ikinakasang caravan sa Aklan sa kaarawan mismo ni dating Pangulong Duterte sa March 28 na dadaluhan ng kaniyang mga tagasuporta mula sa iba’t ibang grupo at asosasyon sa lalawigan.