-- Advertisements --

Ginamit umano ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang kontrobersyal na war against illegal drugs campaign para matakpan ang isang malaking ilegal na negosyo na kinasasangkutan ng mga mataas na opisyal ng gobyerno, sistematikong korapsyon, at international drug syndicates.

Sa huling pagdinig ngayong taon ng House Quad Comm noong Huwebes, iprinesinta ni Antipolo 2nd District Rep. Romeo Acop, ang senior vice chair ng komite, ng buod ng mga ebidensya at testimonya mula sa 13 pagdinig na isinagawa mula noong Agosto.

Sa paunang natuklasan ng joint panel na binubuo ng Committee on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts—lumalabas na si Duterte at ang mga malalapit dito ang umano’y kumita mula sa kalakalan ng droga na kanyang ipinangakong na wawakasan.

Ayon kay Acop, ang mga pinaka-pinagkakatiwalaang mga opisyal ng administrasyong Duterte ay may hawak ng “Purse at Sword” ng bansa, ngunit sa halip na gamitin ito para maglingkod sa tao, ginamit nila ang mga kapangyarihang ito para sa kanilang pansarili at pampolitikang interes.

Binanggit niya ang testimonya ni dating police intelligence officer Col. Eduardo Acierto, na tahasang pinangalanan sina dating Pangulong Duterte at Senators Christopher “Bong” Go at Ronald “Bato” Dela Rosa bilang mga “pangunahing personalidad na nagtatanggol at nagpapalaganap ng illegal drug network sa Pilipinas.”

Sinimulan ni Acop ang kanyang presentasyon sa pamamagitan ng pagbalik-tanaw sa dalawang malalaking kaso ng smuggling ng droga noong 2017 at 2018, na tinawag niyang “Tale of Two Shipments.” Ang mga kasong ito ay kinapapalooban ng P6.4 bilyon at P3.4 bilyon na halaga ng shabu, na naipuslit sa pamamagitan ng Manila International Container Port.

Ang mga testimonya mula sa mga pangunahing saksi—ang negosyanteng si Mark Taguba at dating Customs intelligence officer na si Jimmy Guban—ay nagbigay-detalye kung paano diumano’y pinangunahan ng anak ni Duterte, si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte; ang kanyang manugang at asawa ni Vice President Sara Duterte, na si Manases “Mans” Carpio; at ang kanyang dating economic adviser na si Michael Yang ang mga shipment na ito.

Una ng ipinresenta ni Acierto ang mga detalyadong ulat na nag-uugnay kay Yang sa isang organized drug trafficking network kasama ang kanyang mga kasosyo na sina Allan Lim (kilala rin bilang Lin Weixiong) at Johnson Co.
Ayon sa mga ulat, ang mga operasyon ni Yang ay mula sa pagpapadali ng pag-aangkat ng droga hanggang sa pangangasiwa ng distribusyon at money laundering.

Ipinakita sa matrix ni Acierto ang isang “end-to-end” drug enterprise na kinabibilangan ng mga precursor shipments, , manufacturing, at distribution sa buong Pilipinas.

Ipinakita rin sa mga testimonya ang koneksyon ni Yang sa 2004 Dumoy laboratory raid sa Davao City, kung saan natagpuan ang mahigit 100 kilo ng high-grade na shabu na nagkakahalaga ng P300 milyon—ang pinakamalaking drug bust noong panahong iyon.

Kinokondena ni Acop ang umiiral na reward system, na pangunahing tinarget ang mga laboratory at chemist, na naging daan sa pagpasok ng mga imported na droga at nag-domina sa merkado ng Pilipinas.

Isa sa mga pinaka-explosibong pahayag ay ang alegasyon ng Quad Comm na maaaring si Duterte mismo ang nasa gitna ng operasyon ng droga.

Binigyang-diin ni Acop ang mga paulit-ulit na pangalan na konektado sa korapsyon na may kinalaman sa droga: sina Yang, Lim, Johnson Co, at iba pang kasamahan na laging lumilitaw sa iba’t ibang kwento.