-- Advertisements --

Determinado pa rin ang mga Hong Kong protesters na ituloy ang malawakang rally ngayong araw, June 16.

Ito’y sa kabila ng desisyon ng kanilang pamahalaan na suspendihin ang kontrobersyal na extradition bill.

Nais ng mga protest leaders na mag-resign si Chief Executive Carrie Lam at permanenteng huwag nang ipatupad ang nasabing panukala kung saan papayagan ang mga suspected criminals na ibalik sa mainland China upang doon simulan ang kanilang paglilitis.

Una rito, iniatras ni Lam ang kaniyang unang desisyon na nagbunsod ng malawakang kilos protesta ng mga mamamayan ng Hong Kong.

Paliwanag ni Lam, hindi naging sapat ang paliwanag na ibinigay nito sa kaniyang nasasakupan kung bakit buo ang suporta nito sa isinusulong na batas.

Mas gusto na lang daw nitong mag-focus sa mga bagay na magpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa kanilang bansa.

Kamakailan lamang, milyon-milyong mamamayan ng Hong Kong ang nagkaisa upang kalampagin ang kanilang gobyerno at ipakita ang pagtutol sa extradition bill.

Ikinatuwa naman ng mamamayan ng Hong Kong ang balitang ito, dahil sa oras na maipatupad ang extradition bill sa kanilang bansa ay sinasabing mae-expose lamang ang lehislatura nito sa diumano’y palpak na justice system ng China.

Nabatid na sarado ngayong araw ang Phippine Consulate sa Hong Kong dahil sa tumintinding tensyon at umiinit na kilos protesta.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Rose Galinato Alcid, presidente ng Overseas Filipino Workers Alliance of the North-Ilocos Sur, sinabi nitong ang lugar kung saan nangyari ang riot ay doon din ang opisina ng Konsulada ng Pilipinas sa Hong Kong.(BBC)