Nagsimula nang ilarga ng transport group na Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) ang malawakang tigil-pasada sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong araw.
Ikinasa ang nasabing transport strike kaninang ala-6 ng umaga sa Baclaran, Parañaque City habang tinakpan naman ng naturang grupo ang plate number ng kanilang mga jeepney gamit ang packaging tape.
Kung matatandaan dati na kasing nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na posibleng suspendihin ang prangkisa ng jeep na lalahok sa nasabing tigil-pasada.
Sa ngayon patuloy pa rin ang pagprotesta at pagtuligsa ng PISTON sa franchise consolidation dahil na rin sa nalalapit na deadline nito hanggang bukas, ika-30 ng Abril ng taong kasalukuyan.
Samantala, buong pwersa namang nakabantay ang National Capital Region Police Office (NCRPO) upang masiguro ang kaligtasan ng publiko habang nakahanda din ang mga ito na mag-alok ng mga libreng sakay kung sakaling ka-kailanganin ng mga pasahero.