-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Isinasapinal na sa ngayon ng municipal legal office ng lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan ang karampatang kaso na isasampa laban sa firewoman ng Bureau of Fire Protection (BFP) Region 6 na pumasok sa isla ng Boracay na positibo pala sa coronavirus infectious disease (COVID-19).

Ayon kay Malay acting mayor Frolibar Bautista, nakadulot ng perwisyo at negatibong impact ang kontrobersyal na isyu kung saan, napako sa dalawa hanggang tatlong turista lamang ang pumapasok sa isla mula nang buksan ito sa mga turista ng Western Visayas, halos isang linggo na ang nakakaraan.

Ipinagdadasal umano nila na magnegatibo ang confirmatory result ng real-time reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test ng 54 indibidwal na nakasalamuha ng 26-anyos na bUmbero upang muling manumbalik ang sigla ng tanyag na isla at mawala na ang agam-agam ng mga turista na pumasok sa Boracay.

Sa kabilang dako, bukas aniya ang long beach ng Boracay para sa mga residente at lokal na turista ng rehiyon para sa selebrasyon ng Nativity of Saint John the Baptist sa Hunyo 24.

Kailangan lamang ng mga ito na sumunod sa health protocols na ipinapatupad ng lokal na pamahalaan gaya ng mandatory na pagsuot ng face mask at pag-obserba sa physical distancing.

Maliban dito, sa mga designated swimming area lamang sila pwedeng maligo kung saan, magpaparehistro muna ang mga ito kasabay ng pagpakuha ng body temperature bago makatampisaw sa mala-asul na dagat.