KALIBO, Aklan – Pabor si Malay mayor Frolibar Bautista sa planong pagpapatayo ng casino sa Boracay.
Naging praktikal lamang umano si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagkambyo ng desisyon nito na pinapayagan na ang pagbubukas ng mga casino sa nasabing isla.
Ayon kay Bautista, nangangailangan ngayon ang gobyerno ng pondo at isa ang casino sa maaring mapagkuhaan nito.
Pawang mga turista lamang umano ang papayagang makapasok sa casino.
Matatandaan na noong 2018, mahigpit na tinututulan ng Simbahang Katolika at ilang mga residente sa isla ang pagpapatayo ng proyekto ng isang malaking casino operator na gagastusan ng nasa $500-million.
Ang casino anila ang sisira sa moralidad ng pamilya na maaring humantong sa iba pang bisyo katulad ng iligal na droga, prostitusyon, nakawan at iba pang krimen.
Katuwiran pa nila, dinarayo ang Boracay dahil sa likas na ganda ng beach at sumikat sa pagiging family oriented destination.