KALIBO, Aklan—Hinikayat ng Malay Tourism Office ang mga mamamayan na mag-avail lamang ng mga accredited tourist services at mag-subscribe sa mga maaasahang source ngayong panahon ng bakasyon.
Ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay Tourism Office na ugaliin na kapag magpa-book para sa bakasyon sa isla ng Boracay ay hanapin ang mga hotels and resorts na accredited ng Department of Tourism (DoT).
Binalaan din nito ang publiko na maging maingat sa mga hindi pa na-verify na impormasyon sa social media upang maiwasan na mabiktima ng mga scam na ang target ay ang mga turista, gaya ng pekeng accommodation, travel ticket, vacation deal, at iba pa.
Una rito, umabiso ang PNP Anti-Cybercrime Group kasunod sa pagtaas ng vacation o travel accommodation scams kung saan, may ilang turista ang nagbakasyon sa isla ng Boracay ang nabiktima noong nakaraang taon.
Natuklasan na lamang ng mga biktima pagdating sa lugar na ang kanilang reservations hay hindi nag-eexist sa system ng establisyimento na kanila sanang tutuluyan.
Sa kabilang dako, bukas para sa lahat na gustong makisaya sa Love Boracay version 5 ngayong taon kung saan, ang mga aktibidad ay magsisimula ngayong araw, Abril 25 na magtatagal hanggang Mayo 5, 2025.