-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Positibo ang Malay Tourism Office (MTO)-Malay na maabot ang target na 1.8 hanggang 2-milyon tourist arrival ngayong 2023 sa Isla ng Boracay.

Ayon MTO-Malay officer Felix delos Santos, ito ay matapos na umabot na sa 872,978 ang tourist arrival sa isla simula Enero 1 hanggang Mayo 20, 2023 kumpara sa kaparehong period noong 2022 na nakapagtala lamang ng 228,000.

Tinatayang sa buwan ng Hunyo ay maabot na nila ang 1-million mark na international at domestic arrivals.

Unti-unti na umanong bumabalik ang dating sigla ng turismo sa Boracay mula sa naging epekto ng pandemya.

May malaking ambag aniya ang Boracay tourist arrival ngayong taon sa bansa kung saan 30% to 40% dito ay mga dayuhan.

Dagdag pa ni Delos Santos na ramdam na nila ngayon ang pagdami ng mga dayuhang turista, kung saan nangunguna dito ang South Korea, sinundan ng USA, China, Australia at United Kingdom.

Maliban sa South Korea, nagkaroon na rin ng direct flight ang China sa Kalibo International Airport.

Umaasa silang madagdagan pa ang mga international flights upang lalo pang mapalakas ang turismo sa Boracay.