-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Naitala ang nasa 26,084 tourist arrival sa isla ng Boracay sa loob ng apat na araw mula April 14-17, 2025 kasunod sa pagbuhos ng mga turista at bakasyunista na nagdulot ng pagsiksikan ng mga ito sa Caticlan Jetty Port sa bayan ng Malay, Aklan.

Ayon kay Kathrine Licerio, tagapagsalita ng Malay Tourism Office, kasabay ng pagninilay-nilay ngayong Semana Santa ay ang masayang bakasyon ng mag-pamilya kung kaya’t dinagsa ng libo-libong turista ang isla na karamihan sa mga ito ay nagmula pa sa iba’t ibang rehiyon at lalawigan sa bansa.

Tinangkilik aniya ng mga bakasyunista ang Boracay dahil sa kakaibang ganda ng isla lalo na sa hapon kapag papalubog na araw kung saan, hindi mahulugang karayom ang mga turista na gustong masilayan ang sunset habang nagtatampisaw sa tubig-dagat.

Sa kasalukuyan ay patok ang iba’t ibang water sports activities gaya ng parasailing, snorkeling, island hopping at maraming iba pa.

Samantala, muling nagpaalala si Licero sa mga establishments na ipinagbabawal ang pagsasagawa ng party at pagpapatugtog ng malalakas ngayong Biyernes Santo hanggang bukas ng Sabado de Gloria upang bigyang daan ang pagninilay-nilay at pagbabalik-loob sa Diyos.

Sa kabilang dako, upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng lahat ay nasa 216 PNP personnel ang nakaantabay katuwang ang iba’t ibang law enforcement agency na magtatagal hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay.