Tumutulong na rin ang gobyerno ng Malaysia at US sa Pilipinas para sa search and rescue (SAR) operations nito sa nawawalang medical evacuation helicopter sa Palawan.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Philippine Aeronautical Rescue Coordination Center (PARCC) na nakipag-ugnayan sila sa Palawan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) at Philippine Adventist Medical Aviation Services (PAMAS) hinggil sa dalawang Cessna 182 na eroplano na may flight number na N5256N at N81708, at nagsagawa ng aerial search sa Kota Kinabalu at sa US Department of Defense CL60 aircraft.
Kung matatandaan na noong Marso 1, iniulat ng ahensya na ang isang helicopter na may registry number na N45VX na pinatatakbo ng Philippine Adventist Medical Aviation Services ay nawala habang patungo sa Southern Palawan Provincial Hospital.
Sakay dito ang piloto, isang nurse, isang pasyente, at dalawa pang indibidwal.
Ang mga namataang lumulutang na debris na mukhang tangke ng gas ay nauna nang natagpuan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Lumbucan Island ngunit hindi pa makumpirma ng CAAP kung ang mga naturang debris ay mula sa medevac chopper.
Samantala, sinabi ng CAAP-PARCC na nakipag-ugnayan sila sa PCG at Philippine Navy para ipaalam sa kanila kung magsasagawa ng search and rescue operations ang kanilang mga sasakyang pandagat sa teritoryo ng Malaysia ngayong araw ng Martes.
Ipinaalam din ng Kota Kinabalu Aeronautical Rescue Coordination Center sa counterpart nito sa Pilipinas na ang kanilang Coast Guard vessel ay nagsagawa ng SAR operations sa timog ng Pulau Banggi, Sabah Malaysia bandang hapon nitong nakalipas na araw.
Pinayuhan din nila ang mga ito na ang Malaysian Police Airwing Department at Malaysian Air Force ay magsasagawa ng SAR operations ngayong araw sa boundary ng Pulau Banggi at Balabac.
Nag-deploy na rin ang Philippine Air Force (PAF) ng isa pang “Sokol” rescue helicopter na may rehistradong flight Angel 942 para ihatid ang communications team ng Task Force iCare mula Puerto Princesa City patungo sa Philippine Adventist Medical Aviation Services headquarters.
Nagsagawa rin ito ng paghahanap sa baybayin ngunit walang nakitang nawawalang chopper