Hindi rin nagustuhan ng Malaysia ang pagkakasama ng kontrobersyal na mapa ng China sa pelikulang “Abominable” ng Hollywood producer na DreamWorks at Chinese co-production.
Nais ng mga censors ng Malaysia na tanggalin sa pelikula ang tinaguriang “nine-dash line” na siyang ginagamit ng China na basehan sa pag-okupa sa halos buong lugar sa South China Sea kasama na ang bahagi ng teritoryo ng Pilipinas.
Ang Malaysia ang ikatlong bansa na umaalma sa naturang pelikula.
Una nang pina-pullout ng Vietnam ang showing ng pelikula.
Habang ang Foreign Affairs secretary ng Pilipinas na si Teddy Locsin ay hindi rin nagustuhan ang pagbandera ng mapa sa pelikula.
Kung tutuusin ang “Abominable” ay isang animated children’s movie na wala namang kinalaman sa magulong usapin ng South China Sea.
Naging sentro ito ng kontrobersiya sa ilang bansa sa Asya na claimants at nag-aagawan sa pag-angkin sa bahagi ng South China Sea.
Ang mapa ay nagsilbi lamang backdrop sa animated movie.
Kabilang sa character sa pelikula ay isang Chinese girl mula sa Shanghai.
Una nang nagpanukala si Secretary Locsin sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na putulin ang kontrobersiyal na bahagi ng pelikula.
“Of course, they should cut out the offending scene which will show our displeasure better than if we unconstitutionally ban it, as some suggest,” ani Locsin sa kanyang post. “Do cut out crudely. Maybe interject MTRCB head in cut out scene with a hectoring lecture. Then cartoon goes on.”
Si Locsin ay una nang nakipagpalitan din ng pahayag sa isa sa maritime expert na si Prof. Jay Batongbacal na sumang-ayon na ipa-ban din ang pelikula sa Pilipinas.