Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na hindi nakikipagtulungan ang gobyerno ng Malaysia sa isinasagawang imbestigasyon ng Pilipinas ukol sa pagtakas sa bansa ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Sinabi ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla, na maaring ayaw pag-usapan ng Malaysia ang matagal ng territorial dispute sa dalawang bansa ukol sa Sabah.
Kahit na anong tanong umano ng DOJ ay hindi nagbibigay ng detalye ang Malaysian government kung paano nakarating sa kanila si Guo.
Maging ang flight records at detalye ng eroplanong sinakyan nito para tumakas at makarating sa Malaysia ay hindi nagbibigay ang gobyerno ng Malaysia.
Magugunitang nagsagawa ng imbestigasyon ang Senado ukol sa pagtakas ni Guo sa bansa kung saan inamin ng Bureau of Immigration na gumamit ng backdoor ang dating alkalde sa pamamagitan ng pagdaan sa Tawi-Tawi patungong Sabah.
Si Guo o kilala bilang si Guo Hua Ping ay inaresto sa Indonesia noong Setyembre ng nakaraang taon matapos na maharap sa ilang kaso dahil sa operasyon nito sa iligal na POGO operations.