-- Advertisements --
Olivia Bong Coo bowling
International Bowling Hall of Fame and Asia’s Bowling Queen Olivia Bong-Coo (photo by Bombo Radyo’s Nin Soleil “Sol” Marquez)

Malaking balakid pa rin daw sa kampanya ng Pilipinas sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games ang mga bansang Malaysia at Singapore.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo sa bowling legend at Hall of Famer Olivia Bong Coo, sinabi nito na talagang naghanda umano ng husto ang naturang mga bansa.

Pero sa kabila nito malakas naman ang paniniwala ni Coo na sa pagkakataong ito ay mawawakasan na ang kamalasan ng bowling team sa SEA Games.

Nagpahiwatig din ito na marami na silang inayos sa programa ng national team kung saan matagal tagal na ring inaalat sa biennial meet ang Pilipinas na makasungkit ng gold medal.

Kung ipapaalala 14 na taon na ang nakakaraan nang tanghalin ang Pilipinas bilang overall champion nang mag-host din sa SEA Games kung saan nakapagbulsa ang mga Pinoy keglers ng four golds at six silver medals.

Ipinagmalaki naman ng bowling consultant at many time bowling champion, may ilang beterano at batang miyembro ng koponan na nagpakita ng galing sa nakalipas na ilang international event na maasahang masasandalan ng bansa.

“Maraming pagbabago, technology pero ngayon we are slowly getting there. Nang pumasok kami naayos na namin. Ngayon marami nang mga kabataan ang nananalo ng championships,” ani Coo, 71, na kinikilalang Most decorated Filipino Athlete at unang nalagay sa Guinness Book of Records.

Samantala kabilang ngayon sa national team ay sina Lara Posadas-Wong, 29, na nag-champion sa Hong Kong leg ng Asian Bowling Federation Tour at si Merwin Tan, 20, na hawak ang korona sa Youth Masters Division.