-- Advertisements --
mahathir mohamad 2

Pormal nang ipinadala ni Mahathir Mohamad kay Sultan Abdullah Sultan Ahmad Shah ang kaniyang resignation bilang prime minister ng Malaysia maging ang pagkalas ng Bersatu party sa pamumuno nito sa Pakatan Harapan (PH) coalition.

Ito’y matapos maglabasan ang mga ulat hinggil sa nilulutong “self coup” ng mga taga-suporta ni Mahathir na balak patalsikin ang partido ng kaniyang susunod na successor na si Anwar Ibrahim ng PH coalition.

Ginulat ni Anwar ang buong Malaysia matapos nitong isiwalat na di-umano’y pinagtaksilan siya ng ilang myembro mula sa kampo ni Mahathir at mga kasapi ng kaniyang sariling partido na Parti Keadilan Rakyat (PHR) na nagnanais na harangin ang kaniyang tungkulin.

Matapos naman ang pagpupulong na isinagawa ngayong araw kasama si Mahathir, sinabi ni Anwar na may tsansa pang magkaroon ng pansamantalang pagkaka-isa sa naturang coalition.

Kasama sa pagpupulong ang ilang senior cabinet ministers na ka-alyado ni Anwar tulad na lamang ng asawa ni Anwar na si Deputy Prime Minister Wan Azizah Wan Ismain, Finance Minister Lim Guan Eng at Defence Minister Mohamad Sabu.

Unang umupo bilang prime minister ng Malaysia ang 94-taong gulang na si Mohamad noong 1981 hanggang 2003.

Taong 2018 naman nang tuldukan nito ang anim na dekadang pamumuno sa Malaysia ni Najib Razak na nagmula sa UMNO-dominated Barisan Nasional coalition.