Nakarating na sa bansa si Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad para sa nakatakda nitong dalawang araw na state visit.
Lumapag ang eroplanong sinakyan ni Mahathir sa Villamor Air Base sa lungsod ng Pasay bandang alas-7:40 ng gabi.
Bukas, unang event ng 94-anyos na prime minister bandang alas-10:00 ng umaga ang pagdalo sa isang business forum sa Makati City at sundan ng pakikipagpulong kina House Speaker Gloria Arroyo at Senate President Vicente Sotto III.
Katulad ng ibang mga lider na bumibisita sa bansa, nakatakda ring pangunahan ni Mahathir ang wreath-laying ceremony sa bantayog ni Dr. Jose Rizal sa Maynila.
Matapos nito, diretso na si Mahathir sa Palasyo ng Malacañang kung saan sasalubungin siya mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte at ibang mga miyembro ng gabinete sa igagawad na welcome ceremony.
Sundan ito ng bilateral meeting ng dalawang at matatalakay rito ang pagtutulungan ng dalawang bansa lalo na pagdating sa ekonomiya.
Magbibigay din ng joint press statement sina Pangulong Duterte at Mahathir na sundan ng state banquet sa Rizal Hall sa Palasyo ng Malacañang.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na posibleng mapag-usapan rin ang isyu sa Sabah Island.
Magugunitang July 2018 nang nagsagawa ng state visit si Pangulong Duterte sa Malaysia.
Nagkaroon na rin ng mga opisyal na pagdalaw sa bansa si Mahathir na naganap noong 1987 at 1994.
Ito naman ang unang pagkakataon na bumisita sa bansa ang pinakamatandang lider sa mundo buhat nang makabalik uli ito sa kapangyarihan noong Mayo 2018.