-- Advertisements --

Nasa Pilipinas na rin si Malaysian Prime Minister Dato Sri Haji Mohammad Najib bin Tun Haji Abdul Razak para dumalo sa 2017 ASEAN Summit.

Bago mag-alas-6:00 ng gabi nitong Huwebes ay lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 ang eroplanong sinakyan ni Razak.

Si Razak ang ikalawang head of state na dumating sa Pilipinas kung saan nitong nakalipas na Miyerkules ng gabi ay unang dumating ang lider ng Brunie Darussalam na Sultan Haji Hassanal Bolkiah.

Sinalubong si Razak nina Philippine Ambassador to Malaysia Charles Jose at Presidential Adviser on the Peace Process Jess Dureza.

Ang Malaysia ay matagal na ring sumusuporta sa peace process sa Mindanao.

Samantala kabilang sa aktibidad ngayong Biyernes ng Malaysian prime minister ay ang pagsisilbi bilang keynote speaker sa Prosperity for All Summit na inorganisa ng Asean Business Advisory Council.

Si Najib ang tumatayo ring chairman ng 10th Indonesia-Malaysia-Thailand Growth Triangle Summit.

Dadalo rin siya 12th Brunei-Indonesia-Malaysia-PH East Asian Growth Area Summit kung saan ang chairman naman ay si Pangulong Rodrigo Duterte.