Nilinaw ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na hindi maituturing na banta ang ulat ng Commission on Elections (Comelec) na nasa higit 400 vote counting machines (VCM) ang naka-aberya sa maghapon.
Ayon kay PPCRV Executive Dir. Maribel Buenaobra, hindi pa aabot sa isang porsyento ng kabuuang 86,000 VCMs na naka-deploy sa buong bansa ang katumbas ng naturang bilang ng mga makina na pumalya.
Maliit din daw ito kumpara sa kanilang report noong 2016 national elections kung saan 257 VCMs ang nag-malfunction mula sa 92,000 VCMs.
Ani Buenaobra, patuloy pa rin naman ang kanilang monitoring at pag-validate sa mga natatanggap na ulat dahil hindi rin naman daw sila maglalabas ng datos nang hind dumadaan sa verification.
Batay sa datos ng PPCRV nasa 300,000 volunteers ang kanilang ipinakalat sa buong bansa para sa araw ng halalan.
Ito’y kalahati ng 600,000 PPCRV volunteers na naglingkod noong 2016 elections.