Hindi naitago ni Health Sec. Francisco Duque III ang pagkairita sa mga kumakalat na mensaheng lumulobo na ang bilang ng Wuhan corona virus victims sa ating bansa.
Ayon kay Duque, maraming inobserbahan ngunit walang nagpositibo sa nasabing sakit.
Aniya, mas mabilis pang kumalat ang “fake news” kaysa sa tunay na sakit, kaya kung minsan mas nagdudulot pa ng panic ang maling impormasyon kaysa sa mismong virus.
Sa ngayon, patuloy ang obserbasyon ng DoH ang mga natukoy na may travel history sa Wuhan, China o mga bansang may kumpirmadong strain ng naturang sakit.
Sinabi ni Health Usec. Eric Domingo na isa sa sentro ng kanilang pagbabantay ang isang 36-anyos na lalaking taga Tacloban City, ngunit nagtrabaho sa Wuhan.
Binigyang diin ng DoH na puspusan ang kanilang mga hakbang para maharang ang pagpasok ng ganitong sakit sa ating bansa.