-- Advertisements --

Tinatayang umaabot sa P612.5 million ang kabuuang pondo sa ilalim ng confidential funds ang nagastos ni Vice President Sara Duterte sa ilalim ng Office of the Vice President at Department of Education.

Nagpahayag ng pagkadismaya si Manila 3rd District Rep. Joel Chua, sa laki ng halaga na ginastos ng OVP at DepEd na mailalarawan na “improper” at “unexplained” expenditures sa loob ng dalawang taon.

Sa opening statement ni Chua, nadismaya ito sa maraming mga natutuklasan ng House Blue Ribbon Committee dahil nakita kung paano ginamit at ginastos ang confidential funds ng OVP at DepEd na ipinagkaloob sa nasabing mga ahensiya nuong 2022 at 2023.

Nagsilbi bilang DepEd Secretary si VP Sara nuong July 2022 hanggang sa kaniyang resignation nuong July 2024.

Tanong ni Chua saan ginastos ang P612.5 million confidential funds.

Nadismaya naman si Chua na iilang mga opisyal lamang ang tumestigo habang ang mga direktang responsable sa disbursement ng pondo ay hindi dumadalo sa pagdinig.

Giit ni Chua dalawang tao lamang ang makakasagot sa tanong si VP Sara at ang Special Disbursement Officer (SDO) na sila Ms. Gina F. Acosta para sa OVP at Mr. Edward D. Fajarda para sa DepEd.

Sa P612.5 million na pondo, P500 million dito napunta confidential funds ng OVP habang ang P112.5 million ay napunta sa DepEd.

Tinukoy ni Chua na isa sa mga nakakabahal na paggasta sa confidential funds ay ang P16 million na ginastos ng OVP para sa 34 safe houses sa loob ng 11 araw nuong 2022.

Kinuwestiyon din ni Chua ang P15 million confidential funds DepEd na ginamit para sa Youth Leadership Summits at anti-extremism programs.