Tiniyak ng South Korean firm na Miru Systems na magiging malinis at tapat ang halalan sa 2025 sa gitna ng mga isyu sa Commission on Elections.
Ang kumpanyang Miru ang tinapik ng Comelec para magsagawa ng automated polls sa 2025.
Sa isang pahayag, sinabi ng Miru Systems na nakatutok sila sa paghahatid ng pinakamahusay na automated election system (AES) sa Pilipinas
Napatunayan din aniya ang kalidad ng kanilang mga makina at ang kanilang kapasidad na maihatid ang lahat ng kinakailangan sa tamang oras sa pamamagitan ng ilang pampublikong demonstrasyon at patuloy na magpapakita ng transparency para sa paparating na halalan.
Ginawa ng service provider ang pahayag matapos sabihin ni Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta na hindi bababa sa isang bilyon ang inilipat mula sa mga bangko, kabilang ang mga nakabase sa South Korea, papunta sa 49 offshore accounts na sinasabing nauugnay sa isang opisyal ng Comelec.
Hindi tinukoy ni Marcoleta na ang pondo ay nagmula sa Miru, ngunit nabanggit niya na ang Miru ay isang South Korean firm.
Hindi rin pinangalanan ni Marcoleta ang sangkot na Comelec official subalit sinabi ni Comelec Chairperson George Garcia na siya ang pinatutungkulan ng mambabatas bagamat itinanggi ng poll body chief ang anumang pagmamay-ari sa anumang foreign accounts o property sa ibang bansa.
Sinabi ni Garcia sa Bombo Radyo na pinaiimbestigahan na nila sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga nailahad na impormasyon ni Marcoleta at kung kanino ang mga bank accounts na tiunukoy.
Aniya, maglalabas siya ng waiver para halungkatin ang detalye ng kaniyang mga bank records para pasinungalingan ang mga alegasyon ng kongresista.