-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Kasalukuyang isinasagawa ng pamahalaang panlalawigan ang isang Coordinative Meeting for the Inter-Agency Management Monitoring and Advisory Group (IMMAG) tungkol sa Malitubog-Maridagao Irrigation Project (MMIP) – Stage II upang mapabilis ang pagpapatapos nito.

Ang nasabing pagpupulong ay batay sa Executive Order No. 71 ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza na nagbibigay kapangyarihan sa IMMAG upang pangangasiwaan ang pagpapabilis ng pagtapos ng nasabing proyekto na kasalukuyang nasa 87% pa lang ang natatapos ayon sa presentasyon sa naturang meeting.

Ang proyekto ay nakatakdang matapos sa taong 2023 at nagkakahalaga ng higit sa P5.1B na naglalayong mapabuti ang estado ng agrikultura sa lalawigan sa pamamagitan ng pagpapalawak ng irrigation system rito.

Dumalo sa nasabing pagpupulong na ginaganap sa Governor’s Cottage si 1st District Board Member Sittie Eljori Antao-Balisi at 3rd District Board Member Jonathan Tabara bilang representante ni Governor Mendoza. Naroon din si Provincial Advisory Council Member Ramon Floresta, at iba pang stakeholders.