Tinanggihan ng San Juan mall hostage taker na si Alchie Paray ang alok na P1-milyon mula sa security agency na kaniyang pinagtatrabahuan.
Ito ang ibinunyag ni San Juan City Mayor Francis Zamora sa isinagawang press conference nitong Martes ng hapon.
Ayon kay Zamora, hindi nag-demand ng pera si Paray kapalit ng kalayaan ng mga hostages.
Aniya, napakasimple lamang ang demand ni Paray: makausap ang mga kapwa security guard at mga miyembro ng media nang sa gayon mailabas nito ang kaniyang sama ng loob at mag-public apology ang kaniyang mga superior at magbitiw sa kanilang puwesto.
Sinabi ni Zamora, nag-alok ng P1-million ang security agency kay Paray pero inayawan niya ito.
Nasa 55 lahat ang bilang ng mga bihag pero nasa 43 hostages ang kasamang lumabas ni Paray.
Ayon sa alkalde, dalawang assurance ang ibinigay niya sa hostage taker na lalabas siyang ligtas at makapagsalita sa media.
Giit ni Zamora, kanilang call at desisyon na hayaang makapagsalita si Paray sa media dahil nakatulong ito para siya ay maging kalmado.
“Hinayaan natin siyang magsalita. For me, as a psychology graduate, psychologically na disarm ko na siya because ipinakita ko sa kaniya yung pangako ko sa iyo, ginawa ko na,” ani Zamora.