-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Suspendido ang operasyon ng GenSan Port o ang Makar Wharf hanggang nitong umaga matapos magpatupad ng lockdown nang tumama ang magnitude 6.3 na lindol sa Tulunan North Cotabato at naramdaman sa maraming bahagi ng Mindanao kagabi.

Itoy para bigyang daan na rin ang masusing inspeksyon ng mga awtoridad sa mga imprastraktura na posibleng naapektuhan ng malakas na pagyanig.

Ayon kay Philippine Ports Authority (PPA) general manager Jay Santiago, layon nilang matiyak ang kaligtasan ng lahat.

Samantala, sa mga oras na ito ay nasusunog pa rin ang Gaisano Mall of GenSan mula pa pasado alas-7:00 kagabi.

Mas lumawak pa ang sunog kung saan isang bangko ang tinupok ng apoy maliban pa sa kitchenwares, furnitures, bodega, food stalls, department stores, chapel at food court ng naturang mall.

Rumesponde naman ang iba pang fire truck mula sa LGU- Sarangani Province, South Cotabato, Davao City, at sa mga private sector.

Sa SM Mall of GenSan naman, nagsilaglagan ang ilang bahagi ng kisame kung saan mayroong naireport na ilang sugatan na naisugod na sa pagamutan.

Habang suspendido nitong araw ang klase all levels sa lahat ng public at private schools sa lungsod pati sa Sarangani, South Cotabato, Sultan Kudarat at iba pang katabing lugar.

Nagsilabasan naman sa daan ang mga residente sa Purok Tinago, Brgy. West nitong lungsod mula sa kanilang tinitirhan na nakatirik sa baybayin dahil sa takot na magkaroon ng tsunami.

Kaninang alas-4:53 ng madaling araw, naramdaman ang malakas na aftershock sa lungsod kung saan Intensity 2 ang naitala ng Phivolcs.

Kasunod ito ng 5.3 magnitude na tumama sa Manay, Davao Oriental.

May lalim ito na 120 kilometers at tectonic ang pinagmulan.