-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na nagtungo sa kanilang Anti-Cybercrime Group (ACG) sa Kampo Krame kaninang umaga ang tagalikha ng 8chan na nagngangalang Freddrick Brennan.

Ayon kay PNP spokesperson Pol. B/Gen. Bernard Banac, kasama ni Brennan ang kanyang abogado at nagpahayag sila na makikipagtulungan sa imbestigasyon ng PNP.

Una nang sinabi ni PNP Chief Oscar Albayalde na kaniyang paiimbestigahan sa ACG ang 8chan dahil sa ulat na dito nag-post ng mensahe ang gunman sa mass shooting sa El Paso, Texas, bago ang pag-atake.

“Investigation is still ongoing and updates will be made once we get substantial results,” ani Banac.

Sinisiguro naman ng PNP sa publiko na nananatili silang alerto at mapagmatyag para maiwasan ang anumang posibleng mangyaring krimen at nakahandang rumesponde at umayuda kapag may mga naitalang emergency situations o kalamidad.