Inihayag ng Commission on Elections na kanilang mas pinapaburan ang pagkakaroon ng mall voting kaysa mga tradisyunal na lugar ng botohan ngayong darating na eleksyon.
Sa nalalapit kasing halalan sa buwan ng Mayo, nakatakdang umarangkada ang mga ilalatag na puwesto kung saan pwedeng makaboto sa loob ng mall.
Ayon sa tagapagsalita ng Commission on Elections na si Atty. John Rex Laudiangco, gustong-gusto talaga ng komisyon ang pagkakaroon ng mall voting.
Paliwanag niya, mas maiibsan kasi ang talamak na vote buying dahil kaliwa’t kanan ang mga CCTV sa loob ng mga ganitong establisyimento.
Pati na rin ang pangamba ng kapamahakan at pananakot ay mawawala sapagkat ani pa niya, may mga security guards at screening bago pumasok ng mga mall.
Kaugnay pa rito, sinabi ng naturang tagapagsalita na inaasahan din na mas mapapadali ang magiging proseso sa pagboto ng isang indibidwal.
Ipinagmalaki kasi niya na magkakaroon na ngayon ng mga litrato ang bawat botante sa listahan na pagbabasehan ng mga gurong mangangasiwa sa araw ng halalan.
Samantala, sa isinagawang pagpupulong naman ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas ngayong araw, hiniling ni Commission on Elections spokesperson Atty. John Rex Laudiangco ang pakikipagtulungan upang mailahad sa publiko kung papaano maging responsable sa pagboto ngayong darating na halalan.