-- Advertisements --

LA UNION – Pinangalanan na ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nasagasaan ng kotse habang nasa day-off sa bansang Singapore.

Nabatid ng Bombo Radyo sa “Anak ti La Union ditoy Singapore” o “Samahan ng mga Ilocanong OFW” na dahil sa nangyari ay dead on arrival sa Tan Tock Seng Hospita sina Arlyn Nocus, tubong bayan ng Caba, La Union; at Abegail Leste ng Tuguegarao City.

Kritikal umano ang kalagayan ng mga nabanggit na sina Edna Limbaoan ng Isabela at Arcely Nocus na kapatid ng nasawing si Arlyn; habang under obsevation ang isang Demet Limbaoan at Laila Laudencia ng San Fernando City, La Union.

Samantala, ayon sa kapatid ng mga Nucos na si Mang Reynaldo, malungkot ngayon ang pagsalubong nila sa bagong taon dahil sa hindi inaasahang pangyayari.

Sabi pa ni Mang Reynaldo, na base sa naikwento sa kanya ng mga kababayan sa Singapore na walo silang mga OFWs na magkakasama at nagkakasiyahan ngunit dalawa sa mga ito ang mapalad na nakaligtas matapos maiwasan nila ang rumaragasang kotse.

Hinihintay ng naturang pamilya ang maiuwi ang bangkay ni Arlyn sa kanilang tahanan at ipinagdarasal ang pagbuti ng kalagayan ni Arcely kasama ang iba pang sugatan.

Ang magkapatid na Nucos ay 30 taon na ring nagtatrabaho sa Singapore.