Nagbabala si Interior Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na marami pang mga barangay officials ang masususpinde dahil sa kurapsyon dahil sa umano’y napakabagal na proseso sa paglalabas ng pondo sa barangay level.
Ayon kay Diño, posibleng madagdagan pa ang 89 na sinuspindeng barangay officials na binanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes dahil dawit lamang daw ang naturang mga opisyal sa umano’y mga anomalya sa Social Amelioration Program (SAP).
Tinitinginan na rin aniya nila ang mga natatanggap nilang reklamo tungkol sa paraan ng paggamit ng mga barangay sa kanilang pondo.
“Ngayon tinitingnan na rin namin ‘yung pananalapi ng barangay pati ‘yung sistema ng pagwiwithdraw ngayon, dahil marami kaming complaint na natanggap dito na [with] just a simple certification ni kapitan, the treasurer can withdraw all the money in the bank. Kaya ‘yang 89 na ‘yan ay umpisa lang ‘yan,” wika ni Diño.
Paliwanag ng opisyal, nang umupo itong barangay captain, sumailalim ang pag-withdraw sa pondo sa mas mahirap na proseso kung saan naglabas pa ng resolusyon ang barangay council na nagpapahintulot sa barangay treasurer na kunin ang pondo mula sa bangko.
“Kung wala ang resolution na ‘yan hindi makakapagwithdraw ang treasurer sa barangay. Pero ngayon kahit wala ‘yang dokumento na ‘yan, with just a simple certification ni kapitan na may availability of funds, the treasurer can withdraw sa depository bank ng mga barangay tapos ang liquidation gagawin na lang ‘yan sa end of the year,” ani Diño.
Giit ni Diño, hindi raw mahigpit ang nasabing proseso lalo pa’t maraming mga barangay ang hindi nagli-liquidate nang maayos sa kanilang mga pondo, batay sa impormasyon mula sa Commission on Audit.
Babala ng opisyal, mahaharap sa reklamo ang mga barangay officials na mabibigong mag-liquidate ng kanilang mga pondo.