CENTRAL MINDANAO – Mariing kinondena ng mga mamamahayag sa Rehiyon 12 ang pamamaril-patay sa brodkaster na si Orlando ”Dondon” Dinoy sa Bansalan, Davao Del Sur.
Hiniling ng mga print, online at broadcast media sa Central Mindanao sa pamahalaan ang malalimang imbestigasyon sa pagpaslang kay Dinoy at agarang hustisya.
Maraming mga mamamahayag na ang pinatay sa Mindanao, kabilang na sina Benjie Caballero sa Tacurong City at Eduardo Dizon sa Kidapawan City na hanggang ngayon ay nakalalaya pa rin ang mga salarin.
Matatandaan na pinasok si Dinoy ng ‘di kilalang suspek sa kanyang apartment sa Mother Ignacia Street, Barangay Poblacion Uno, Bansalan, Davao del Sur at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang suspek na sumakay ng motorsiklo sa naghihintay nitong kasama.
Patay on the spot ang biktima nang magtamo ng anim na tama ng bala sa kanyang katawan.
Naniniwala ang Davao Del Sur PNP na posibleng may kinalaman sa trabaho ni Dinoy ang pagpaslang sa kanya na patuloy nilang iniimbestigahan.