-- Advertisements --

Hindi kumbinsido ang mamamayan ng Hong Kong sa paghingi ng tawad ni Hong Kong chief executive Carrie Lam sa kabila ng desisyon nitong suspendihin ang pagpapatupad sa extradition bill sa naturang bansa.

Dala ang bagong determinasyon at mas mahabang listahan ng hinihinging pabor ay muling kinalampag ng mga nagpoprotesta ang kalsada ng Hong Kong.

Nais ng mga sumama sa malawakang kilos protesta ang tuluyang pag-urong sa extradition bill, imbestigasyon sa mga otoridad na gumamit ng dahas sa mga nauna nang naganap na protesta, at ang tuluyang pagkansela sa official description ng kanilang pag-aalsa bilang illegal riot dahil magbibigay umano ito ng kakayahan sa mga otoridad na ikulong ng mas mahabang panahon ang mga nahuli nilang kasamahan.

Hindi pa rin mawawala sa isinisigaw ng mamamayan na tuluyan nang bumaba sa kaniyang pwesto si Carrie Lam bilang chief executive ng Hong Kong. Ito ay matapos ulanin ng kwestyon ang kakayahan ni Lam na pamunuan ang nasabing bansa.

Inaasahan naman na magkakaroon ng general strike ang ilan sa mga negosyo sa Hong Kong ngayong araw bilang pagsuporta sa bagong pabor na hinihingi ng kanilang mamamayan.