VIGAN CITY – Hustisya pa rin ang sigaw ng dating ng Philippine National Police–Special Action Force (PNP-SAF) chief kasabay ng ika-limang anibersaryo ng Mamasapano massacre ngayong araw.
Ito ay sa kabila ng pagkakabasura ng kasong kinakaharap nito sa Sandiganbayan na may kaugnayan sa nasabing pangyayari kung saan 44 na SAF commandos ang namatay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, hiling ni dating PNP-SAF chief Getulio Napeñas na maibasura na rin ang pending administrative case nito sa Korte Suprema upang malinis na ang kaniyang pangalan.
Ipinaliwanag nito na ang hustisyang kaniyang isinisigaw ay hindi lamang para sa kaniyang sarili kundi para rin sa 44 na SAF members na nagbuwis ng kanilang buhay para sa supilin ang teroristang si Marwan.
Maliban pa rito, nais din ni Napeñas na maibigay na ang mga benepisyo nito upang makapagsimulang muli sa kaniyang buhay bilang isang sibilyan.
Una nang sinabi ng dating PNP official na payag itong mabuksan muli ang imbestigasyon sa nangyaring massacre kung mayroong bubuuing independent commission para rito.
Kung kabilang ang ilang senador ang nagbabalak na magsagawa muli ng imbestigasyon sa Mamamasapano incident.
“Tulungan niyo po ako sa pagdadasal para makuha ko na ‘yong mga benepisyong pinaghirapan ko. Pero, hindi lang pera ang habol ko, kundi honor at dignity. Kung ako ang tatanungin, kahit hindi na mabuksan ang imbestigasyon. Pero, may mga taong nagsasabing mas maganda sana kung mabuksan muli ‘yong imbestigasyon, pero kung mga politiko ang mag-iimbestiga, huwag na lang. Kung may independent commission, pwede pa,” pagbibigay diin pa ni Napeñas sa Bombo Radyo.