Kinuwestyon ni Kabataan Patylist Rep. Raoul Manuel si dating Cebu City Police Director P/Col. Royina Garma tungkol sa credentials nito bilang general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon kasi kay Garma, ang kaniyang matagal na serbisyo bilang pulis at pati na rin ang kaniyang karanasan at passion sa pagsasagawa ng charity ang isa sa mga ‘best qualities’ na taglay niya para maging general manager ng PCSO.
Dagdag pa ng dating opisyal, ang pakikisalamuha niya sa iba pang kapwa pulis ang siyang naging pundasyon para malaman ang pasikot-sikot sa pagiging pinakamataas na opisyal sa nasabing ahensya.
Ang kaniyang naging background din bilang mag-aaral sa pagkuha ng mga kursong AB Mathematics at ang kaniyang PhD ang nakadagdag pa umano sa angking galing sa panunungkulan.
Ito naman ay agad na kinontra ni Manuel kung saan duda siya na ang mga katangiang ito ay sapat na para pamunuan ang ahensya ng PCSO.
Sa katunayan nga daw, ay bumaba ang percentage ng mga tumataya noon sa Lotto at naglipana ang mga illegal gambling operations sa kanyang termino.
Ani Manuel, kung pagbabasehan umano ang mga katangiang sinabi ng dating opisyal, kahit sino daw ay maaari maging lider ng PCSO.
Minamaliit din aniya ang trabaho ng isang general manager na siyang overseeing body ng ahensya.
Samantala, una nang nadawit ang pangalan ni Garma sa pagtalakay ng quad-comm tungkol sa extra-judicial killings sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.
Ito ay bilang isa umano siya sa mga nag-utos at may kinalaman sa pagpatay sa tatlong Chinese drug lords sa loob ng Davao Prison and Penal Farm.