Hinamon ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro si Vice President Sara Duterte na maglabas ng matibay na pruweba na magpapatunay na may nilulutong impeachment laban sa kanya ang mga mambabatas.
Ayon kay Castro, hindi dapat pagbatayan ng pangalawang pangulo ang mga nakukuhang impormasyon sa mga ‘marites’.
Ginawa ng mambabatas ang naturang hamon matapos na ibunyag ni Vice President Sara Duterte na nakipagpulong umano ang Makabayan bloc kay House Speaker Martin Romualdez para pag-usapan ang posibleng impeachment laban sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Una nang sinabi ni Duterte sa isang video message na si Castro ang siyang nag- reveal hinggil sa usapang impeachment noong Nobyembre ng nakalipas na taon.
Giit ni Castro, walang katotohanan ang mga paratang ni Duterte at hindi sila nakipagpulong kay House Speaker Romualdez para sa impeachment ng bise.
Dapat rin aniyang pagtuunan ngayon ng mga mambabatas ang isyu sa kontrobersyal na P125 million confidential fund ng OVP noong 2022.