-- Advertisements --

Hinimok ngayon ng isang mambabatas ang papasok na administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na hilingin sa Norway na i-develop ang West Philippine Sea bilang source ng malinis at renewable offshore wind energy.

Sa isang statement sinabi ni Makati City Rep. Luis Campos Jr., ang offshore wind farms sa West Philippine Sea ay magiging consistent at sa pamamagitan ng long-term plans ay made-develop ang naturang lugar bilang energy hub ng bansa.

Ang pahayag ni Campos ay kasunod na rin ng pangako ng Norwegian ambassador na si Bjorn Jahnsen na tutulungan ang Pilipinas na mag-develop ng wind at iba pang renewable energy resources sa naging maiksing pakikipagpulong nito kay Marcos.

Sinabi ni Campos na ang Norway sa ngayon ang may pinakabagong teknolohiya na kinakailangan para sa pagtatayo ng offshore bottom-fixed o ang floating wind turbines.

Naniniwala ang kongresista na magbebenepisyo ang Pilipinas sa naturang mga teknolohiya.

Ang Malampaya deepwater gas-to-power project sa West Philippine Sea sa ngayon ay nagsu-supply ng 20 percent na demand ng electrisidad sa bansa.

Aniya, ang advantage ng offshore wind farms ay puwede itong itayo nang mas mabilis dahil wala raw itong land use at wala ring right-of-way issues.

Malaking tulong daw ang development ng wind power para masolusyunan ang lumalaking demand para sa elektrisidad at makakapagbigay din ito ng trabaho.

Sa panig naman ni Quezon City Rep. Alfred Vargas, tiwala naman itong maaabot ng bansa ang long-term stability Sa power at energy sa ilalim ng incoming administration.

Makakatulong din daw ang stability sa power at energy sector para mapabilis ang economic recovery.