-- Advertisements --
Senator Win Gatchalian

Nais ni Senador Win Gatchalian na mas maraming Pilipino ang maging mas marunong sa usaping pananalapi at magkaroon ng savings at insurance accounts na maaari nilang gamitin sa panahon ng emergency at iba pang hindi inaasahang problema sa hinaharap.

Nakakaalarma kasi aniya ang resulta ng 2021 Financial Inclusion Survey na isinagawa ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kaya inihain ng mambabatas ang Senate Resolution No. 569 upang magsagawa ang Senado ng imbestigasyon na naglalayong tugunan ang mga kakulangan sa financial literacy ng mga Pilipino.

Ipinapakita ng survey ng BSP na bagama’t mas maraming Pilipino ang maaaring magkaroon ng financial account at mamuhunan, mas kaunti ang mga Pilipino na may savings at insurance noong 2021.

Batay sa survey, ang bahagi ng mga Pilipino na nasa hustong gulang na may savings ay bumaba sa 37% noong 2021 mula sa 53% noong 2019, habang ang bahagi ng mga nasa hustong gulang na may insurance ay bumaba sa 17% noong 2021 mula sa 23% noong 2019.

Ayon sa datos ng insurance commission, ang naturang resulta ay naaayon sa 4.6% year-on-year contraction ng kabuuang bilang ng mga may insurance mula 46.97 milyon noong unang quarter ng 2021 hanggang 44.81 milyon noong unang quarter ng 2022.

Nagpapahiwatig ito na ang pangungutang ang pangunahing paraan ng mga Pilipino para tumugon sa lahat ng pangangailangang pinansyal, na sinusundan ng paggamit ng mga ipon at kita.

Si Gatchalian ay naghain noong nakaraang taon ng panukalang batas, ang Senate Bill 479, na layong turuan ng financial literacy ang mga mag-aaral sa elementarya, high school, kolehiyo, at mga nasa technical-vocational institutions.