-- Advertisements --
tulfo

Ang sitwasyon sa kuryente sa lalawigan ng Occidental Mindoro ay kasalukuyang tinutugunan ng pambansang pamahalaan.

Ito ang inihayag ni Senador Raffy Tulfo na kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa National Electrification Administration (NEA) at Malacañang at matapos ding magsagawa ng emergency consultative meeting ang Senate committee on energy, kasama ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno para talakayin ang problema sa kuryente sa Occidental Mindoro.

Sa parehong pagpupulong, ang Occidental Mindoro Electric Cooperative, Inc (Omeco) ay nangako sa pagbuo ng board resolution na magpapahintulot sa National Electrification Administration na magpautang sa kanila ng P50 milyon para makabili ng bunker fuel bilang pansamantalang agarang solusyon sa pagkawala ng kuryente.

Samantala, si National Electrification Administrator Antonio Alameda naman ay humihiling na bigyan ng hanggang tatlong linggo para makapaglaan ng konkretong solusyon sa nasabing krisis.

Sa isang pahayag, sinabi ni Tulfo na humiling na ang NEA ng Certificate of Exemption (COE) mula sa Department of Energy (DOE) para payagan ang Omeco na pumasok sa Emergency Power Supply Agreement (EPSA) — na nagpapahintulot sa Omeco na makakuha ng modular gensets mula sa Singapore na maaaring makabuo ng hanggang 17 megawatts (MW).

Hiniling na rin ng NEA na ilipat ang apat na modular genset na may 2MW bawat isa mula sa Mindanao na maaaring makagawa ng hanggang 8MW.

Tiniyak naman ni Tulfo sa publiko na tumawag na siya sa Malacañang para personal na makipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para pag-usapan kung paano makatutulong ang Senado sa nasabing isyu.

Matatandaang isinailalim sa state of calamity ang Occidental Mindoro dahil sa 20 oras na pagkawala ng kuryente araw-araw.